Posts Tagged ‘bestfriends’

I just have to post ‘em all today….

Thursday, July 10th, 2008

Another Tagalog one…written in 2004…

Mahal kita. Hindi mo ako mahal. Magkaibigan tayo. Lumang istorya na yan. Ilang beses na nangyari sa ibang tao yan. Ilang tao na rin ang nagsulat ng mga kwento tungkol dyan. O eh ano ngayon…eh sa masakit eh!

Ang hirap kaya itago ang nararamdaman mo sa isang taong kilalang-kilala ka. Nakaka-guilty kaya. Feeling ko tuloy araw-araw na lang ako nagsisinungaling sa pinakaimportanteng tao sa buhay ko.

Eh okay pa yung umiibig sa malayo eh, yung tipong natotorpe lang at hindi makalapit. Kasi nga hindi mo na kailangan ng katakot-takot na pagkukunwari. Eh ako, kailangan ko pa umarte na parang wala lang kahit na halos nanginginig na ako pag yumayakap ka sakin…pag may twing sasabihin ako kailangan i-kontrol ko pa yung sarili kong boses…kailangan kong matutong tumingin sa mga mata mo ng diretso ng hindi masyadong tumititig. Parati ko nga sinasabi ko sa sarili ko “Easy ka lang! Sige ka pag nalunod ka dyan sa mga matang yan eh todas ang labas mo.”

Pero wala eh, mahal talaga kita. At sa mga ganitong sitwasyon, tama ang sabi nila, korny na kung korny pero totoo—mas gugustuhin mo pa na maging kaibigan niya lang kesa sa wala. Kaya nga di kita maiwas-iwasan. Kahit na malapit na sumabog ang dibdib ko sa sakit.

Sa totoo lang matagal na ‘to eh. Actually, nagumpisa talaga ‘to nung sabi mo may gusto kang ligawan eh. Yun nga lang, hindi ko lang inaamin sa sarili ko. Ayoko kayang magkaganito. Eh leche naman kasi yang ulan yan eh! Ikaw din kasi ang tanga-tanga mo, ala kang payong, ang kapal mo pa nung nakisukob ka…Pero ang sarap ng pakiramdam. Lalo na nung nagkatagpo ang mga mata natin…Para kang biglang lalong gumuwapo sa paningin ko…Leche talaga! Leche!—Kaya lang alam mo, nung sandaling yon, talagang hindi ko na mapigilan eh…Kinailangan ko na tanggapin na mahal kita. Ilang buwan na nga pala ang nakaraan nang nangyari yon? Ah oo, mahigit isang taon na pala.

Tingin ko simula no’n mejo nagtry ako magbago para mapansin mo. Marami nga nagsabi gumaganda daw ako eh. Dami nga nanligaw din sakin eh, pero para sa’yo, one of the boys ako. Ganun naman parati di ba? Kahit nga nung natuto akong lumandi at magmake-up one of the boys pa rin ako. ‘Tol’ pa rin ang tawag mo sa akin. “Tol, pakopya naman nung assignment sa Comm2 o…”, “Tol, peram naman ng bolpen, wala na pala tinta ang sakin…”, “Tol, girlfriend ko na si Shiela…”, “Tol, nag-away kami ni Shiela. Kausapin mo naman…close naman kayo di ba?” Ano nga pala yung sinabi ko sa’yo nun? Ah… “’Lul! Kausapin mo mag-isa mo! Problema nyong dalawa yan idadamay mo pa ako…” Oo nga lahat ng girlfriend mo nagiging ka-close ko pero naman, pati ba naman yun, iaasa mo pa sakin?

Nagbreak kayo ni Shiela, pero may kasunod agad. Hindi ako yun. Parati ka na lang sakin tumatakbo pag nakikipagbreak sayo ang girlfriends mo. Nakakapagod na nga eh. Pero alam mo ang hindi ko maintindihan kung bakit sila ang nakikipagbreak sayo. Nakita kasi kita kung pano ka mag-alaga eh…Kung pano ka magmahal. Grabe! Kakaiba! Mas lalo ko tuloy dinadasal na sana ako na lang…

Sa totoo lang, hindi ko naman pinagsisisihan na na-inlab ako sayo eh. Nagrereklamo lang ako kasi nasasaktan ako. Natural lang yung magreklamo ako…

O eto ka nanaman, kumakatok sa bintana ng kwarto ko…ala-una na ng umaga ah! Ganda naman ng timing mo mang-istorbo. Kung kelan magang-maga ang mga mata ko sa kaiiyak dahil sayo tsaka mo pa naisipan bumisita. Alam ko namang ikaw yan. Wala naman ibang tao ang ganun kabobo na bibisita sakin ng gantong oras. Siguro lasing ka nanaman ano?

Binuksan ko ang bintana. Tama ako, mukhang marami-rami ang nainom mo. Buti na nga siguro yon, hindi mo mapapansin ang pamumugto ng mata ko. Yun nga lang, ako, hindi lasing, kaya kitang kita ko na maga ang mga mata mo. Eto ang ayaw ko eh! Yang nagmumuka kang pinagsukluban ng langit at lupa.

Iniwan muna kitang nakaupo sa silya sa tabi ng kama ko. Nagtimpla ako ng kape na binigay ko sayo pagkabalik ko sa kwarto. “Hindi ko na alam ang gagawin ko, Mae…” ang sabi mo sabay hagulgol.

Hindi ko rin alam kung ano na ang gagawin ko. Nararamdaman ko kasi ang sakit na nararamdaman mo eh. “Ano ba kasi ang nangyari?”

Hindi ka sumagot, niyakap mo ako ng mahigpit. Amoy alak ka…pero ok lang sa akin. Hindi ko alam kung kelan naglapat ang labi natin. Ayoko nang isipin…ayoko mag-isip. Minsan lang ito mangyayari sa akin. At palagay ko hindi na ito mauulit. Ito lang ang pagkakataon na maparamdam ko sa’yo kung gaano kita kamahal, dito sa isang halik na ito…Tutal hindi mo naman maaalala ito kinabukasan.

Hindi ko alam kung kelan natapos yung halik. Para ngang biglang gumana agad yung kapeng pinainom ko sayo at bigla kang nahimasmasan…Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Binuhos ko ang buong damdamin ko sa isang halik na yon. “I’m sorry,” ang sabi mo sa akin. Tumango lang ako. Patuloy mong ininom ang kape matapos no’n…At ako? Nakaupo lang sa tabi mo…Tahimik. “Tol…please…kausapin mo siya…”

Bakit kaya ata mas masakit ngayon? Dahil ba na-realize ko na isa akong tanga na nagsasayang ng pagmamahal sayo? O dahil sa kahit sinubukan kong iparamdam sayo ang pagmamahal ko, wala pa rin saysay ito para sayo?

“Tol…”

“Hindi ko ugaling makisali sa away ng magsyota.”

“Don’t be so selfish Mae!”

“T*ng ina mo! Sinasabi mo lang yan dahil wala kang alam!” Hindi ko na talaga mapigilan ang pagtulo ng luha ko. T*ng ina mo talaga naman talaga eh! Hindi mo napapansin…kung gaano ako nasasaktan…

“Tol!”

“Wala kang alam kung ano ang nararamdaman ko! Hindi mo alam na mahal kita! T*ng ina…Mahal kita! Yun lang naman eh…ayoko makisali sa away nyo…tapos selfish na ako…” At sinumbat ko lahat ang ginawa ko para sayo. Hindi naman ako talaga nanunumbat pero masyado na ako nasasaktan eh…Sinabi ko sayo kung gaano kasakit ang makita kang kapiling ng iba…Lahat ng sama ng loob ko sinabi ko sa’yo. At pagkatapos no’n pinagtabuyan kita palabas ng kwarto ko…

Pero hindi ka umalis eh… “Akala mo lang yo’n hindi ko alam kung gaano kasakit…” ang sabi mo. “Alam mo ba, lahat ng naging girlfriends ko…niligawan ko lang kasi hindi kita maligawan. Takot kasi akong masira friendship natin eh. Sa iba ko na lang binaling pagmamahal ko.” Niyakap mo ulit ako. “Pinapakausap kita sa kanila kasi baka sakali sabihin nila ang rason kung bakit kami naghihiwalay…Kasi hindi ko masabi…Ang akala mo kaya ako naglalasing bawat break up dahil sa kanila…Ang totoo, hindi ko matanggap na ang babaeng mahal ko, hindi mapapasakin dahil sa natatakot ako mawala ka…Hindi ko kaya…Hindi ko kaya…”

Hindi ako makapaniwala. Kahit na nung hinalikan mo na ulet ako parang hindi pa rin totoo. “Ang tanga natin no?” ang sabi ko sayo. Tumawa ka. Tumawa rin ako. Ang tanga natin.

  • Share/Bookmark