Old things I’ve written
Thursday, July 10th, 2008I was just looking at my old tabulas site and I have found some of the things I had written YEARRRS ago. And since I FEEL REALLY GUILTY LOOSING MOST OF MY WRITTEN WORKS…I figured I should post ‘em here.
So anyway, here is my written nonsense no.1. — written in Tagalog and was inspired by the MMORPG called “Ragnarok Online” (I was so darn addicted to that bloody game at that time…)—
Hindi ko maintindihan kung paano ko nagagawang maghintay. Kung tutuusin, wala talaga akong pasensya pagdating sa mga ganitong bagay. Pero eto ako, nakaupo sa isang maliit ngunit mataas na kubo na matatagpuan sa kabundukan ng Mjonir, maya’t-maya’y tinitignan ang kapaligiran sa pamamagitan ng mga teleskopyong nakasabit, o kung di kaya ay pinagmamasdan ang ilog sa baba na sumasalamin sa di-nagbabagong bughaw na langit sa itaas nito.
Walang araw na hindi natin pinupuntahan ang lugar na ito, simula ng dinala mo ako rito ilang buwan na rin ang nakakaraan. Magkaibigan pa lang tayo no’n, hindi ba?
Siguro dahil pareho lang tayong nangangailanan ng kasama kaya tayo napalapit sa isa’t isa. Naaalala mo pa ba nang nagtapat ka at sinabi mo sa aking walang nang saysay para sayo ang mundong ito, kung wala ako sa tabi mo?
Napangiti lang ako. Alam ko kasing kahit bali-baligtarin mo man ang lahat, ang mundong sinasabi mo ay isa lamang malaking laro kung saan ikaw ay hindi ikaw at ako ay hindi ako. At alam ko, na ang tunay mong mundo ay sadyang iikot, at mananatiling may saysay, kahit na wala ako.
Pero di tulad mo, madali akong madala. Sa araw-araw nating pagsasama ay hindi napigilan ng tunay kong sarili na mapa-ibig sa iyo. Kaya hindi ko napigilang umasa na siguro, tulad ko, natutunan mo na ring mahalin ang tunay na tao sa likod ng kasa-kasama mo sa pekeng mundong ito. Kaya eto ako ngayon, naghihintay sa pagdating mo.
At tulad ng inaasahan ko, ayan ka na sa harap ko. “Kanina ka pa ba?” tanong mo sa akin.
“Hindi naman.”
“Pasensya na ha? Napaghintay pa kita.”
“Okay lang.”
“Na-miss kita,” ang sabi mo, sabay halik sa akin.
“Ako rin, sobra,” Mabuti na lang at hindi totoo, kung hindi ay siguradong maririnig mo ang malakas na kabog ng puso ko.
“Bakit mo nga pala piniling magkita tayo ng mas maaga ngayon?”
“Ano kasi…” Paano ko ba ito sasabihin? Gusto na kita makita? Mahal na kita talaga?
“Ano?”
“Gusto ko sanang sabihin sa’yo na—“
“Na?”
“Mahal kita.”
Natawa ka nang marinig ang sinabi ko. “Ah, yun lang ba? Alam ko naman yun eh.”
“Ang ibig kong sabihin eh, mahal na talaga kita.”
Bigla kang walang maisagot. Ilang segundo muna ang nakalipas bago ka nakapagsalita. “Sinabi ko naman sa’yo, di ba? Kaya nga ikaw ang pinili ko dahil akala ko, pareho tayo ng pananaw….”
“Iba dito, iba sa labas hindi ba? Ikaw naman, di ka man lang mabiro. Alam ko naman eh.”
Halos nararamdaman ko ang pagluwag ng kalooban mo nang sinabi ko ang mga katagang iyon. “Mahal naman eh! Wag mo nga akong lolokohin ng ganyan.”
Tama ako, para sa’yo, ang laro ay laro at walang kinalaman sa tunay na buhay. Masakit para sa akin marinig ang mga sinasabi mo, pero kasalanan ko, umasa ako masyado.